PANDESAL
“Tinapay na may asin” ang literal na ibig sabihin ng
Espanyol na pan de sal. Ang sangkurot na asin (sal sa Espanyol) marahil ang
ikinatangi nito upang maging paboritong panghalili sa almusal ng isang bansang
higit na nasanay kumain ng kanin.
Maliwanag na isang pamana ng kolonyalismong Espanyol ang
pandesal. Ni hindi nagtatanim ng trigo ang mga Filipino nang dumating ang mga
Espanyol noong ika-16 dantaon. Subalit kailangang ipag-utos ang pagmasa ng
galapong na trigo para gawing tinapay dahil ito ang nakamihasnang pagkain ng
mga mananakop. Bukod pa, gawa mula sa pinakapinong arina ang ostiyang
Kristiyano.
Bukod sa pandesal, nahilig ang mga
Filipino sa ibang tinapay bilang meryenda at siyempre pa’y naging
kakompetensiya ng katutubong kakanin at puto. Naging popular ang ibang tinapay
kaugnay ng mga pistang panrelihiyon. Halimbawa, ipinasok ng mga Espanyol ang
pagkain ng tinapay tuwing Setyembre 10 sa mga parokyang patron si San Nicolas
Tolentino, isang ermitanyong Italyano at kasapi ng ordeng Agustino. Karaniwang
inilalarawan siyang nakadamit ng itim at may hawak na liryo. Kung minsan, may
hawak siyang bulsikot o piraso ng tinapay na sumasagisag sa kaniyang patuloy na
pagtulong sa mga maralita hanggang mamatay siya noong 1306.
Sa Filipinas, itinuturing na patron ng mga panadero si San
Nicholas. Sa kaniyang pista binabasbasan ang pan de san nicolas, isang uri ng
panecito, na pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng karamdaman.
Mga Tsinong bihasa mula pa noong panahon ng dinastiyang Sung
sa paggawa ng pinasingawan at hinurnong tinapay ang unang nangasiwa sa mga
hurnong Espanyol sa Intramuros. Hindi kataka-takang mga Tsino ang unang sumikat
na may-ari ng panaderya sa Maynila at sa mga poblasyon sa probinsiya.
Isa namang paborito tuwing Pasko ng Pagkabuhay, Todos los
Santos, at Pasko ang matamis at mamantekilyang ensaymada. Winisikan lamang ng
puting asukal ang tradisyonal na ensaymada. Nadagdag ang kinudkod na keso, karaniwang
Eden, nitong Peacetime sa Maynila. Bago magkadigma sinasabing ipinasok ang
pagpapalamuti ng itlog na pula at kesong puti sa ensaymada ng Malolos, Bulacan.
Samantala, bukod sa tradisyonal na galyetas at biskuwit,
napuno ang estante ng panaderya sa iba’t ibang tinapay na may sari-saring
palaman at pampalasa. Maituturing na Filipino ang mga tinapay na may lahok na
niyog at saging. Hindi rin nanatili sa almusal kasama ng kape ang pandesal.
Ibinabaon itong sandwits, gaya ng naging turing sa mahigpit nitong kalaban—ang
pan amerikano, isang mahaba, malambot, at tinitilad na tinapay, na naging
popular nitong panahon ng Amerikano.
Naging pamantayan din ang pandesal ng ekonomyang
pambansa. Itinuring ang patuloy nitong pagliit bilang patunay na tumataas ang presyo
ng inaangkat na arina, at samakatwid, na humihina ang halaga ng piso. Naging
pagkakataon naman ito sa naging malakas na benta nitong dekada 70 ng hot
pandesal—na maliit nga ngunit dahil sa bagong teknolohiya’y napananatiling
laging mainit.
hello newtons lol haha :3
TumugonBurahindarl ni :)
wtf why did i comment this
Burahin