Biyernes, Nobyembre 30, 2012

Learning Package (Filipino) Grade 7 Pork Empanada ni Tony Perez

PORK EMPANADA
ni Tony Perez


Madalas ka ba sa Katipunan?
Siguro’y nakita mo na ang Frankie’s Steaks and Burgers, sa tabi ng bagong Cravings, malapit sa Lily of the Valley Beauty & Grooming Salon. Kung nakita mo na iyon, nakita mo na rin siguro si Bototoy.
Lunes hanggang Sabado, inaakyat ni Bototoy ang liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod ng Ateneo Grade School, kasama ng tatay niyang maintenance engineer sa paaralan at ng mga kalaro niyang sina Nono, Itoc, at Radny. Karamihan sa mga batang umaakyat doo’y humihimpil sa malawak na covered court ng College, sa tabi ng Our School, malapit sa Obesrvatory, kung saan sila nagaabang ng magba badminton at tennis na tatawag ng pulot boy. Si Bototoy naman ay hindi humihimpil doon. Lalakarin niya ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tatawid siya sa Katipunan, upang maupo sa sentadong island sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers. Natatandaan mo na ba siya?

Anim na taong gulang si Bototoy. Ahit ang kaniyang ulo maliban sa tumpok na buhok sa ibabaw ng kaniyang noo. Mabilog at masigla ang kaniyang mga mata. Mabilog din ang kaniyang pisngi, lagi siyang nakangiti, at mayroon siyang mga ngipingkuneho. Suot-suot niya’y kamiseta’t shorts at sandals na Happy Feet na laging kupas at maluwang, pagkat pinaglakhan ng kaniyang mga kapatid. Maliit si Bototoy, kaya’t di siya humihimpil sa covered court. Doon ay lagi siyang nauunahan sa pagpulot ng bola nina Nono at Itoc at Radny at ipa pang batang barangkang higit na maliksi at higit na malaki sa kaniya. Kaya nga’t isang araw ay napadpad siya sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers, at doon ay nagkusa siyang mag-watch-your-car. Kaniya-kaniya ang lugar na iyon, pagkat ang ibang bata’y nasa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s, sa iba pang mga bahagi ng Katipunan, kung saan marami at sunud-sunod ang pumaparadang sasakyan. Bagamat mangilan-ngilan nga lamang ang tumitigil sa harap ng Frankie’s ay kuntento na si Bototoy – kahit kung minsan ay hindi siya inaabutan ng kahit singko, at kung minsan ay hindi siya pinapansin, at kung minsan ay binubulyawan pa siya ng may-ari ng sasakyan.
Kung mahina ang raket ay magdamag siyang nauupo sa sementadong island sa harap ng Steaks and Burgers, na parihaba niyang trono, maalikabok tuwing tag-init at tuwing tagulan ay maputik. Ngayon – naaala’la mo na ba siya?
Labing-isa ang kapatid ni Bototoy – ang apat na panganay ay nagsipagasawa’t mayroon nang pamilya. Ang sumunod pang apat ay nagtapos ng hay iskul at kasalukuyang iginagapang ang pag-aaral ng tatay nilang maintenance engineer at ng nanay nilang hilot. Ang sumunod na dalawa’y nasa elemetari pa. Si Bototoy at ang bunsong si Nining ay pinagpasiyahang huwag munang pag-aralin, pagkat libre man ang matrikula’y sakit ng ulo ang pambili ng gamit at kasangkapan sa mga prodyek. Paboritong kapatid ni Bototoy si Nining.
Tuwing papanaog sa Barangkang kasakasama ng tatay at mga kalaro, bago umuwi’y nagdaraan siya sa tindahan ni Aling Rory: sa gaano mang kaliit na kinita sa pagwa-watch-your-car ay ibinibili niya ang bunso ng kahit na anong munting pasalubong: isang supot na Oishi o Ding Dong o Tomi, o dalawang balot na Choc-Nut o Kripy Bar o Cloud 9, o tatlong pirasong White Rabbit o Snow Bear o Judge. Saka lamang siya papasok at susuot sa pasikut-sikot na looban, tungo sa kanilang tinitirhan. Sa may poso pa lamang ay tanaw na niya ang malinggit na si Nining, nakaupo sa may pintuan, naghihintay, nakadamit at sadals na Happy Feet na kupas at maluwag din, ang mga mata’y mabilog at masigla rin, ang mga pisngi’y mabilog din. Nakangiti. At tulad niya’y mayroong mga ngiping-kuneho.
Pagkatapos maghapunan ng patis at kangkong, o kung minsa’y bagoong, sina Bototoy at Nining ay tumutulong sa nanay sa pagtitiklop ng sinampay, pagkatapos ay nakikipanood ng telebisyon sa kapitbahayna sina Aling Mela. Bago mag-alas-otso’y pinapapanhik na sila, kaya’t naglalaro’t naghuhuntahan na lamang sa magkabila ng maliit nilang kahon ng mga laruang plastik.
“Bukas, Kuya, ano’ ’uuwi mo?” laging tanong ni Nining.
“’Di ko sasabihin, sorpresa,” lagi namang sagot ni Bototoy.
“Marami’ klase’ kendi?”
“Maraming-marami. ’Pag marami’ ’ko’ makuha’ pera, mas marami’ ’ko’ mabibili.”
“Kuya, sa’n ka ku’kuha’ pera?”
“Sa Katipunan. Don ako nagtatrabaho.”
“Do’n sa trabaho ni Tatay?”
“Hindi, mas malayo pa. Tatawid ka pa. Mi’san, kung gusto mo, ‘sasama kita.”
“Gusto ko, Kuya.”
At tulad ng dati, magbibida si Bototoy tungkol sa kaniyang pagwa-watch-your-car sa harap ng Frankie’s. Tungkol sa mga taong nagagawi roon. Tungkol sa kanilang mga kasuotan. Tungkol sa kanilang mga sasakyan. Tungkol sa minsa’y nag-abot sa kaniya ng limang piso.

Si Nining ay mangangarap ng kendi at damit at laruan. At si Bototoy naman ay mangangarap nng pagbabantay ng pagkarami-raming sasakyan, sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers, sa Katipunan. Madalas ka ba roon?

Siguro’y narinig mong tunay na masarap ang pagkain doon. Taga-Mabalacat ang may-ari at ubod ng linamnam ang kaniyang tenderloin at t-bone at spare ribs at Hawaiian at Salisbury at a la pobre at beef teriyaki at tocino at skinless at tapa at arroz a la Cubana, na laging hanap-hanap ng nagsisidayo roon. Maliit at makitid ang puwesto, ngunit malinis at naka-aircon. Nakagigiliw sa paningin ang mga ilaw na pendiyente sa ibabaw ng mga mesa, at laging may masayang tugtugin. Sa tabi ng kaha, may lata-latang turrones de casuy at basket-basket na petit fortunes at gara-garapong yemas at balotbalot na espasol at bote-botelyang garlic peanuts.

Pero iisa ang pambato ng Frankie’s Steaks and Burger – di lamang sa mga regular na parokyano kundi sa lahat ng nagsisidaan, pagkat sa tabi ng pintuang salamin ay may aluminyum na bintanang pan-take-home, at sa ilalim ng bintana’y may makulay na paskil na tinitikan ng pentel pen na pula at asul sa isang parisukat na pirasong dilaw na kartolina:

FRANKIE’S ESPECIAL

PORK EMPANADA
P 10.50

Nakakain ka na ba ng pork empanadang iyon?
Uma-umaga, tangha-tanghali’t hapon-hapon, di iilan ang nagsadya sa Katipunan at tumigil sa harap ng Frankie’s at kumatok sa bintana at nag-order ng pork empanadang iyon: isa-isa, dose-dosena, grosa-grosa – pambaon, pangmeryenda, panregalo, panghain sa bisita. Di rin iilan ang nag-order at doon mismo kumain, kung hindi sa tapat ng bintana’y sa harap o gilid ng munting restawran, at kung hindi sa harap o gilid noon ay sa nakatigil nilang sasakyan. Lagi silang pinanonood ni Bototoy, nakatuntong sa sementadong island, tahimik at nag-iisa.

Minsa’y isang binata at isang dalaga ang nagparada ng Galant, at nag-order ng pork empanada at Coke, at doon nagpalamig sa loob ng sasakyan.
“Bos, watsyorkar,” magalang na mungkahi ni Bototoy, na winalang-bahala lamang ng dalawa, palibsahang may masayang biro silang pinagtatawanan. Muling naupo si Bototoy sa sementadong island. Pagkat bukas ang bintana ng Galant, dinig ni Bototy ang kanilang usapan habang sila’y kumakain, maging sa kaniyang kinauupan:
“I always buy this, it’s so ‘sarap,” sabi ng dalaga.
“’Galing the crust,” sabi ng binata.
“Yeah, it’s so manipis and it’s so malutong, ‘di ba?”
“When you bite it, it’s like manamis-namis.”
“This one’s really, really, really may Tita’s favorite. She’ll go out and make lakad just to buy. It has giniling with no taba, and bacon bits, and chips, and raisins, and water chestnuts, and chopped onions and carrots, and grated cheese. So diff’rent from the commercial ones you buy in other places, how harang, it’s all potatoes and it’s so maalat and it tastes like flour.”
Matapos magmirindal ay hinagis nila sa labas ang mga basyong plastik, na matapos inuma’y kinuyumos muna’t pinilasan, at ang mga pirasong wax paper na pinagbalutan ng empanda, at ang manipis na sorbelyeta.
Sabi ni Bototoy sa kaniyang sarili, “Pag yumaman ako, kakain ako no’n.”
Pinagmasdan niya ang dilaw na paskil, at ang aluminyum na bintana, at ang weytres na naroo’t nag-aayos ng bunton-buntong pork empanadang nangagkabalot ng wax paper sa mga plastik na bandeha.
Sinuksuk ni Bototoy ang isa niyang kamay sa kaliwang bulsa ng maluwang niyang shorts: doo’y may dalawang beinte-singkong bagol. Sinuksik ang kabila sa kanang bulsa: isang diyes, tatlong singkol, dalawang mamera. Matagal-tagal pa, at marami pang sasakyang babantayan, bago si makabili ng kahit isang pork empanada.
Kung sana’y malaki-laki lamang siya, nang makapag-pulot-boy sa covered court, o kaya’y makapangagaw ng iwa-watch-your-car sa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s!
Tatlong piso at kuwarenta sentimos lamang ang kinita niya sa buong maghapon. Nang sunduin niya ang tatay niysa sa Maintenance Department ay tahimik siya’t malayo ang tingin. Kagyat na naisip ng tatay niya’t mga kalaro kung siya’y nadapuan ng sakit, ngunit dahilan niya’y napagod lamang siya sa kawa-watch-your-car sa harap ng Frankie’s. Sa tindahan ni Aling Rory ay matagal niyang pinagmunimunihan ang ipapasalubong sa bunsong kapatid. Nakuntento siyang bumili ng isa balot na ruweda.
May dalawang piso’t labimpitong sentimo siyang natitira – imbes ibili ng lastiko o holen o teks o ihulog sa alkansiya ng nanay ay maitatabi niya. Bilang simula ng kaniyang pagiipon. Noong gabing iyon, bago ganap na makatulog ay nanagimpan siya ng masarap na buhay na walang takot at walang pagod at walang sakit at walang kakulangan sa pera at walang problema, at sa pinilakang tabing ng kaniyang diwa’y kasama niya si Nining, at sila’y nagbibiruan, at sila’y nakasakay sa isang (maliit, mangyari’y panagimpang-bata) Galant, at sila’y nagparada sa harap ng Frankie’s, at sila’y nag-order ng pork empanada at Coke, at doon sila nagpalamig sa loob ng sasakyan.
Pagdilat niya’y maliwanag na sa labas, at yinuyugyog siya sa balikat ng tatay niya.
“Toy – sasama ka ba?” dinig niyang bulong ng tatay niya.
“Opo,” tugon niya, bagamat talos niya na sa umagang iyon ay manghuhuli sina Nono at Itoc at Radny ng alupihang-dagat sa San Roque, at noong makalawa lamang ay naghanap siya ng malinis na basyo ng Ligong paglalagyan, at nagpaalam siya sa nanay.
Dalawang piso lamang ang kinita niya noong araw na iyon, kayat sa tindahan ni Aling Rory ’y higit pa siyang nagmunimuni bago nagpasiyang bumili ng apat na pirasong Tootsie Roll, na siyang pinasalubong niya kay Nining. Ang basyo ng Ligong ginawa niyang sisidlan ng sinsilyo’y kaniyang nadagdagan – nang kaunti lamang, gayunpama’y nadagdagan. Inalog niya iyon at pinagmasdan. At inisip na sa loob ng sanlinggo’y maaaring mangalahati na ang laman niyon. At inisip din na sa loob ng isang buwan ay makabibili na siya ng pork empanada. At muli niyang inalog at pinagmasdan.
“Nag-iipon ako, Nining,” pagtatapat niya sa bunsong kapatid, bago niya ibinaon ang basyo sa ilalim ng maliit nilang kahon ng mga plastik na laruan. “’Pag marami na ’ko’ pera, bibili tayo’ empanada. Masarap iyon.”
“Parang litson, Kuya?” usisa ni Nining.
“Mas masarap. Mayayaman ang kumakain no’n.”
“Sa bertdey ko, Kuya?” usisang muli.
“Oo. ’Pag marami na ’ko’ pera. Kakain tayo do’n.”

At sandaling nagliwanag sa isip ni Nining ang larawan ng sari-saring maririkit na kainan, na madalas nilang matanaw ng nanay mula sa mga dyipni at bus na kanilang nasasakyan.

Tulad ng maraming kainan sa Katipunan, hindi ba?

Tulad ng mga kainan doon na hinihimpilan ng mga batang watch-your-car. Sa harap ng Shakey’s, at ng Jollibee, at ng McDonald’s at ng Kentucky’s at ng Frankie’s Steaks and Burgers.

At Isa si Bototy sa mga batang iyon, kaya’t siguro’y nakita mo na siya. Pagkat kinabukasa’y naroroon na naman si Bototoy, naghihintay at nagbabantay. Uma-umaga, tangha-tanghali, hapon-hapon. Nakilala niya ang mukha ng pagtitiyaga at ng pagtitiis, at ng pagsisikap, at ng pag-aasam, at ng pagbabakasakali. Ng ginhawa ng pagpanhik sa bahay na may bulsang puno ng sinsilyong kumakalansing. Ng lungkot ng pagkaalat, ng paghiga sa banig na malakas ang pagnanasang makabawi kinabukasan. At kinabukasan pa. At kinabukasan na naman. At kinabukasang muli. Datapuwat sa pagdaan ng mga araw, ang sisidlang basyo ng Ligo’y nangalahati rin, at dumami ang nilalaman. Nang bilangin ni Bototoy ang sinsilyo’y umabot na sa beinte-uno, at maibibili na niya ng pork empanada para sa kanilang dalawa ng bunsong kapatid.

“Bukas tayo bibili,” malapad na ngiti ni Bototoy. Naghagikgikan sila at nanggigil sa tuwa, at nagsilitaw ang kanilang mga ngiping-kuneho.
Madaling-araw pa lamang ay gising na gising na ang magkapatid. Nagbihis si Nining ng kaisa-isa niyang barong panlakad – kulay-koton kendi at may kuwelyong maypalibot na kulay-sapin-sapin at malaking lasong kulay-koton kendi rin – na binibihisan lamang tuwing may binyag o kasal o pistang-bayann o simbang gabi o dalaw-aginaldo.
Nagpulbos siya’t nagsuot ng hikaw niyang plastik at hugis-bituin. Si Bototoy naman, pagkat walang sariling maayos na panlakad ay nagsuot pa rin ng maluwang niyang shorts, at ng kamisetang may dibuhong kupas na oso at mga titik na “so happy summer day be many friends”, na hiram sa nakatatandang kapatid.
“Papasyal ang dalawa, ha,” biro ng nanay nang sila’y paalis na.
“’Be-bertdey parti kami Kuya,” masayang bitiw ni Ninging, at humawak siya nang mahigpit sa kamay ni Bototoy.

Inakyat nila ang liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod ng paaralan, kasama ng tatay nila at nina Nono, Itoc, at Radny. Nagdaan sila sa covered court, at nilakad ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tumawid sila sa Katipunan, patungong Frankie’s Steaks and Burgers.

Samatala’y malihis muna tayo. Kung madalas ka nga sa Katipunan, at kung nakita mo na nga ang Frankie’s Steaks and Burgers, at kung nakakain ka na nga ng Frankie’s Especial Pork Empanada, nakita mo na rin siguro ang weytres na madalas matoka sa aluminyum na bintana roon.

Noong umagang iyon ay muling gumising nang may toyo sa utak ang weytres. Noong kasing nakaraang linggo at nagsara sila ng kainan, nang magbilangan ng pera’y natuklasang kulang ng beinte-uno ang kabuuang bayad sa empanada. Sinabunan ng may-ari ang weytres sa pagiging burara, at pinaghinalaan pang nangupit ng dalawang empanada. Bagamat di siya inawasan ng sahod, labis na dinamdam ng weytres ang pangyayaring iyon. Totoo ngang siya’y burara – bukod sa suplada at masungit at laging nakaismid – ngunit sa pangungupit ng empanada’y wala siyang kasalanan.

Noong umagang iyon, nang ipasok ng nagdedeliber ang mga kahon ng sariwang empanada, isa-isa yaong binuklat ng weytres, at ang nilalaman ay maingat niyang binilang. Inayos niyang bunton-bunton sa mga plastic na bandeha. Dinala’t pinatong sa pasemano ng aluminyum na bintana. At hinugot ang drower sa ilalim ng bintana, upang ilabas ang librito ng mga resibong puti at rosas at pirasong carbon paper at bolpen na matagal nang nawawala ang takip (at bunga ng kaniyang pagiging burara).
Noong umagang iyon – bago dumating sina Bototoy at Nining – ang nalalabing mga resibong puti sa librito’y naubos. Muling hinugot ng weytres ang drower sa ilalim ng bintana – sa sulok kasi niyon ay may nakasalansang mga buong librito. Nang humila siya ng librito, dalawang empanada ang nasagi ng kaniyang kamay. Nangakabalot pa ng wax paper, ngunit papanis na – noong nakaraang linggo’y nahulog sa drower at natulak sa loob (na bunga rin ng kaniyang pagiging burara).
Nakaramdam ng inis ang weytres. Naalala niya ang masasakit na salitang bitiw ng may-ari ng kainan, at ang paghihinala nitong nangupit siya ng empanada. Nakaramdam din siya ng itim na gala – galak ng paghihiganti, at galak ng pagwawagi.
Napaisip ang weytres. Hawak-hawak niya ang mga empanada sa kaniyang mga kamay: parang dalawang shoulder pads ng blusang dapat niyang tubusin sa mananahi mamayang gabi. Parang dalawang malalaking kwei, mga pulang kahoy na pinahagis sa kaniya sa templong Tsino, minsang samahan siya ng kaibigan upang magpahula ng magandang hanapbuhay.
Nang sandaling iyon ay may kumatok sa aluminyum na bintana, at pagsungaw ng weytres ay may dalawang maliit na batang naroroon, nakatingala sa kaniya, mabibilog at masisigla ang mga mata, mabibilog din ang mga pisngi, nakangiti, at may mga ngipingkuneho.
“Pabili po ng dalawa’ empanada,” bati ng batang lalaki.
At bilang kaganapan ng itim niyang galak ay kinuha ng weytres ang beinte-unong abot-abot ng bata, at iyon ay lihim niyang binulsa, iniabot naman niya ang dalawang lumang empanada.
“’Upo tayo, Nining,” ngiti ni Bototoy, dala-dala ang kanilang kakanin. Upang di marumhan ang damit ng kapatid ay pinagpagan niya ng alikabok ang isang bahagi ng sementadong island. Naupo silang magkasiping, nagngingitian, naghahagikgikan at nanggigigil sa tuwa.
“Dito ‘ko nagtatrabaho,” pagmamalaki ni Bototoy, at pinagmasdan ni Nining nang buong pagmamangha ang kanilang kapaligiran. Maingat nilang binuklat ang wax paper, at masayang tiningna ang mga empanada, at masaya yaong sinubo, at kinain nang marahan upang namnamin ang lasa’t di nila agad maubos.

“Kaka’nin mo’ balat, Nining, kasi malutong,” bilin ni Bototoy,

“Masarap, Kuya.”

“Masarap.”

Sa Katipunan, patuloy na nagdaan ang mga sasakyan, mabilis at mabagal..

Learning Package (Filipino) Grade 7 Pandesal


PANDESAL

“Tinapay na may asin” ang literal na ibig sabihin ng Espanyol na pan de sal. Ang sangkurot na asin (sal sa Espanyol) marahil ang ikinatangi nito upang maging paboritong panghalili sa almusal ng isang bansang higit na nasanay kumain ng kanin.

Maliwanag na isang pamana ng kolonyalismong Espanyol ang pandesal. Ni hindi nagtatanim ng trigo ang mga Filipino nang dumating ang mga Espanyol noong ika-16 dantaon. Subalit kailangang ipag-utos ang pagmasa ng galapong na trigo para gawing tinapay dahil ito ang nakamihasnang pagkain ng mga mananakop. Bukod pa, gawa mula sa pinakapinong arina ang ostiyang Kristiyano.
Bukod sa pandesal, nahilig ang mga Filipino sa ibang tinapay bilang meryenda at siyempre pa’y naging kakompetensiya ng katutubong kakanin at puto. Naging popular ang ibang tinapay kaugnay ng mga pistang panrelihiyon. Halimbawa, ipinasok ng mga Espanyol ang pagkain ng tinapay tuwing Setyembre 10 sa mga parokyang patron si San Nicolas Tolentino, isang ermitanyong Italyano at kasapi ng ordeng Agustino. Karaniwang inilalarawan siyang nakadamit ng itim at may hawak na liryo. Kung minsan, may hawak siyang bulsikot o piraso ng tinapay na sumasagisag sa kaniyang patuloy na pagtulong sa mga maralita hanggang mamatay siya noong 1306.

Sa Filipinas, itinuturing na patron ng mga panadero si San Nicholas. Sa kaniyang pista binabasbasan ang pan de san nicolas, isang uri ng panecito, na pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng karamdaman.

Mga Tsinong bihasa mula pa noong panahon ng dinastiyang Sung sa paggawa ng pinasingawan at hinurnong tinapay ang unang nangasiwa sa mga hurnong Espanyol sa Intramuros. Hindi kataka-takang mga Tsino ang unang sumikat na may-ari ng panaderya sa Maynila at sa mga poblasyon sa probinsiya.

Isa namang paborito tuwing Pasko ng Pagkabuhay, Todos los Santos, at Pasko ang matamis at mamantekilyang ensaymada. Winisikan lamang ng puting asukal ang tradisyonal na ensaymada. Nadagdag ang kinudkod na keso, karaniwang Eden, nitong Peacetime sa Maynila. Bago magkadigma sinasabing ipinasok ang pagpapalamuti ng itlog na pula at kesong puti sa ensaymada ng Malolos, Bulacan.

Samantala, bukod sa tradisyonal na galyetas at biskuwit, napuno ang estante ng panaderya sa iba’t ibang tinapay na may sari-saring palaman at pampalasa. Maituturing na Filipino ang mga tinapay na may lahok na niyog at saging. Hindi rin nanatili sa almusal kasama ng kape ang pandesal. Ibinabaon itong sandwits, gaya ng naging turing sa mahigpit nitong kalaban—ang pan amerikano, isang mahaba, malambot, at tinitilad na tinapay, na naging popular nitong panahon ng Amerikano.



Naging pamantayan din ang pandesal ng ekonomyang pambansa. Itinuring ang patuloy nitong pagliit bilang patunay na tumataas ang presyo ng inaangkat na arina, at samakatwid, na humihina ang halaga ng piso. Naging pagkakataon naman ito sa naging malakas na benta nitong dekada 70 ng hot pandesal—na maliit nga ngunit dahil sa bagong teknolohiya’y napananatiling laging mainit.



Learning Package (Filipino) Grade 7 Taglish ni Bienvenido Lumbera


TAGLISH
ni Bienvenido Lumbera

May nagtanong kung ang paggamit ng Taglish sa kolum na ito ay recognition on my part na tinanggap kong maaaring gawing basis ng wikang “Filipino” and Taglish. Ngayon pa man ay nililinaw ko nang hindi lengguwahe and Taglish. Ito ay isa lamang convenient vehicle para maabot sa kasalukuyan ang isang articulate sector ng ating lipunan na unti-unting nagsisikap gumamit ng Filipino.

Importanteng makita ng sinumang gumagamit ng Taglish na limited and gamit nito. Dahil sa binubuo ito ng mga salitang galing sa dalawang wikang not of the same family, makitid ang range of expressiveness nito. Ang sensibiliteng ni-reflect nito ay pag-aari ng isang maliit na segment ng ating lipunan, at ang karanasang karaniwang nilalaman nito ay may pagkasuperficial.

Isang makatang malimit banggitin kapag pinag-uusapan ang paggamit sa Taglish ay si Rolando S. Tinio. Sa kaniyang koleksyon ng tulang tinawag na Sitsit sa Kuliglig, may ilang mga tula na pinaghalong English na sulatin. Effective lamang ang Taglish, gaya ng pinatutunayan na rin ng mga tula ni Tinio, kapag Americanized intellectual ang speaker, at ang tone ng tula ay medyo tongue-in-check or sarcastic. At kahit na sa ranks ng Americanized Filipino intellectual, and profounder aspects of cultural alienation ay hindi kayang lamanin nang buong-buo ng Taglish.

Better described marahil ang Taglish as a “manner of expression.” Ibig sabihin, sa mga informal occasions, mas natural sa isang English-speaking Filipino na sa Taglish magsalita. Sa light conversation, halimbawa. Pero para sa mga okasyong nangangailangan ng sustained thought, Taglish simply won’t do. Walang predictive patterns ang paghahalo ng vocabulary at syntax ng dalawang lengguwaheng magkaiba ng pamilya. Dahil dito, maraming stylistic and logical gaps na nag-iinterfere sa pag-uunawaan ng manunulat at mambabasa.

Kailangan sa Taglish ang spontaneous interaction ng nagsasalita at ng nakikinig. Sa pamamagitan ng physical gestures, facial expressions, o tonal inflection, nagagawa ang filling-in na siyang remedyo sa mga stylistic at logical gaps. Maaari namang sa pagtatanong linawin ng nakikinig ang anumang ambiguity sa sinasabi ng kausap.

Samakatuwid, ang pagsusulat sa Taglish, cannot be a permanent arrangement. Kung talagang nais ng manunulat na magcommunicate sa nakararaming mambabasa, haharapin niya ang pagpapahusay sa kaniyang command ng Filipino. Para sa manunulat, isang transitional “language” lamang ang Taglish. Kung tunay na nirerecognize niya na napakaliit at lalo pang lumiit ang audience for English writing, hindi siya makapananatiling Taglish lamang ang kaniyang ginagamit. Maliit pa rin ang audience na nakauunawa sa Taglish pagkat nagdedemand ito ng adequate control of English. Magbalik sa English. O tuluyang lumapit sa Filipino. Ito ang alternatives para sa Taglish users ngayon na hangad pa ring magpatuloy sa pagsusulat.

Sipi mula sa librong Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe ni Jun Cruz Reyes


Mula sa Tutubi, Tutubi, Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe ni Jun Cruz Reyes
(pahina 140-143)


Sa halip ang sinabi niya, “No, Jojo, you don’t understand. Bata ka pa kasi. Balang araw, kapag naging magulang ka na, maiintindihan mo rin ang sinasabi ko.” Ayaw ko ng logic niya, pirming siya ang matanda. Pirming siya ang tama. Pirming ako ang bata, kaya pirming ako ang mali, at pirming ako lang ang dapat matuto. Pero nakapagtatakang kami na kulang sa isip ang pirming hinahanapang maging tama. Bakit kaming kulang sa isip ang kailangang umunawa sa husto raw ang pag-iisip?



Sa pag-iisa, sa aming uri ng insecurity, bakit walang makaalalang magtanong kung ano ang iniisip namin? Kung sa paghahanap ng solusyon sa problema ay mali ang makuhang paraan, nagagalit sila. Paano naman ang gagawin namin sa mundo? Tumigil na lang basta sa paghinga? A, kay hirap mabuhay sa mundo na panay bawal, wala namang magturo ng tama. Kung sa pagtanda ko’y magiging kamukha ko rin sila, hindi bale na lang. Ayaw kong tumanda. Bawal maging pilyo. Mas lalong bawal maging seryoso. (Mag-i-idiot na lang ako.) Kamukha ngayon, daig ko pa ang napagkaisahan. Nagtatanong lang naman, pero nakakagalitan. 



Umiiwas sa kaguluhang hindi naman ako ang may kagagawan. Para na rin akong daga na tulirong nangangapa sa lungga. Ano ang gagawin ko sa aking sarili? Para rin akong may sakit na nakakahawa na hindi basta puwedeng lumapit sa kapwa.



Saan ba ako pwedeng magpasiya? ‘Yong kaluluwa ko, kargo ng pari. ‘Yong marka ko sa eskuwelahan, nakasalalay sa dulo ng pulang ballpen ng titser ko. ‘Yong gusto kong kurso, nakatali sa dulo ng bulsa ng tatay ko. ‘Yong kalayaan ko, kahit bahagya ko pa lang nagagamit ay pinutol na nila. Sila na rin ang nagbibigay ng bagong kahulugan noon, kahit hindi kami kinonsulta. Ano nga ba ang pakialam nila sa kapalaran ng mga hamak na estudyante. Kapirasong pangalang wala namang katuturan ang naiwan sa amin. Ni hindi magamit dahil hindi naman galing sa malaking tatak. Pamilyang walang sinabi, batang walang silbi. Ay naku. Gusto ko lang magtanong, gusto ko lang matuto, kasalanan na pala iyon at ang ayaw maniwala sa kanila’y nakakaligtaan. Hindi galit ng ama sa anak o ng Diyos sa tao; galit ng maligno, kahit saan ka magtago, hindi ka makakatakas.



Ayaw ko nang makinig sa mga usapang “noong araw” na hindi ko makita ang kabuluhan sa kasalukuyan. Ayaw kong maging ulyaning paulit-ulit ang sinasabi. Ayaw kong maging (mas) makulit. Ayaw kong maging inutil. Kay hirap ng maraming tanong sa buhay. Kay hirap ipanganak na “erehe” at “pilibustero” sa mundo. Kay hirap mapagsabihang bandido at terorista. Kay hirap maghanap ng kahulugan ng pangalan. Wala akong balak malagay sa pera ang retrato ko. Gusto ko lang may sumagot at makinig sa tanong ko. Di pangako ng baril, argumento ng bala, halakhak ng kanyon, ano pa? Lahat yata ng matanda, sarili lamang ang nakikitang mainam. ‘Yon lang kasing karansan nila ang kabisadong ikuwento. Pag iba na ang usapan, tulad ng halimbawa ng buntonghininga ng mga katulad ko sa mundo, hindi na sila interesado. Parang kami ang nag-uso ng salitang rebolusyon. Pag narinig ito, tumataas ang lahat ng buhok nila, pati sa kilikili, kaya bumabaho tuloy ang usapan. Saka magtatatalak, kami ang makakagalitan. Luma na ‘yon, tanungin mo si Bonifacio. Kung ayaw mong maniwala, e bakit nakikiselebrasyon ka sa araw ng mga bayani? Saka ba’t mo siya tinitingnan sa mga pera? Bugbog –sarado pag nahuli.Torture kapag ayaw umamin, firing squad kapag nakunan ng ebidensiya. Salvage kapag nakagalitgan, salvage rin kapag nakatuwaan. Kung magrereklamo pati kaluluwa mo, pati ito buburahan ng anino. Saan na ako pupunta, ano na’ng gagawin ko sa sarili ko?



Magbabad na lang kaya ako sa disco? Sayaw na lang kaya ang problemahin ko? Pero Iglesia ni Kristo naman ang mga paa ko, hindi marunong kahit na pandanggo. Tumambay na lang kaya ako sa mga kanto tulad ng ginagawa ng mga propesyonal na taong kanto? Ano naman ang gagawin ko roon, mag-abang sa pamumulaklak ng poste?



Ay naku ulit, pinipilit ko lang maging matino sa sarili kong paraan, wala pang kaubrahan. Hindi naman siguro ako ginawa ng sino mang gumawa para sa lang maging basta yagit. Wala rin akong balak maging kontrabida sa buhay. Marami lang talagang tanong ang isip ko na naghahanap ng kahit na kapirasong sagot. At sa lipunan, bago man o luma, maraming pikon.
Silang punot’t dulo ng problema ko ngayon, silang namamahala, kung totoong parang tatay at nanay sila, tulad nina Malakas at Maganda, bakit ibang klase silang magpatupad ng disiplina? Bakit hindi magkasya sa pangaral? Bakit hindi nila maintindihan na ang ginagawa lang naman naming mga kabataan ay bilang pagsasanay sa paghahanda sa aming kinabukasan? Kung dadaanin kami sa bugbog, di lalaki kaming mga tuliro. Kung kami na ang mga pinuno, paano magpapasiya ang isang hilo?



Akala mo’y hindi sila marunong mamatay. Kung sila nang sila, at kung wala na sila, paano naman kami? Kung mamana namin ang ugali nila, di kawawa ang susunod na henerasyon, kami na matanda na ang siya namang mambubugbog sa kanila. Bakit ayaw nilang matuto kaming makialam, makisangkot? Habang buhay bang tagapalakpak na lang kami sa mga talumpati nilang hindi naman sila ang gumawa? Dapat bang maging utak-sakristan lang kami na amen lang ang bokadurang lumalabas sa bibig kapag kinausap? Saka kung itinuturing kaming parang anak, bakit kami sinisiraan? Tatatawaging misguided elements, adventurists, communists, terrorists. Basta masama, kami. Basta tama, sila? Kung ganoon silang klaseng magulang, hindi na lang baleng maging ulila, ayaw kong sumali sa kanilang pamilya. Hindi baleng mabobo, tulad ng tingin nila sa aming mga aktibista, huwag lang maging baliw na tulad nila.



Bakit ba ganito, kapag makikinig ka sa usapan ng matatanda parang parating panahon lang nila ang mahalaga. Mahusay na estudyante, baka noong panahon ni Quezon. Mahusay na sundalo, baka noong panahon ng Hapon. Walang naaalala kung hindi “noong araw” (Parang sila ang una at huling Pilipino.) Saka idagdag din kung gaano kaganda ang kanilang panahon na hindi katulad ngayon, panay kahulugan. Parang kami ang umimbento ng salitang kahirapan at problema. At kami na bunga nito, na dapat unawain ang siyang nakagagalitan kapag napag-uusapan ang kamalasan. Sagana noong araw, pero bakit tayo utang ng utang sa mga dayuhan? Saka bakit kami ang tagabayad nito balang araw? Pakikinig ba sa matatanda sa Ilog Pasig ang solusyon sa mga problema? Baka kaya sila ay isang malaking problema? Parati silang tama, ang mga Mam at Sir at mga Gardonet , sila lamang ang tanging nakakaalam sa pagpapatakbo ng mga bagay-bagay sa mundo. Sila lamang ang may monopoly ng talino. Saka nila pilit palalakihin ang papel nila sa lipunan. Ipagpipilitan ang kanila, bakit hindi sila ang pakinggan at pamarisan? Sabagay, lahat naman yata ng matanda ay ganoon, ang kilala lamang ay ang sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong tungkol sa sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong tungkol sa sarili. Kung doktor ang kausap, sasabihin nitong iyon ang pinakamahusay na kurso ngayon. Ganoon din ang sasabihin kung mga titser o inhinyero ang tatanungin. Pero paano kaya makikinig kung ang kausap ay isang pulitiko o armado? E, kung armadong pulitiko? Di pangako ng baril, argumento ng bala, halakhak ng kanyon, ano pa? Lahat yata ng matanda, sarili lamang ang nakikitang mainam. ‘Yon lang kasing karansan nila ang kabisadong ikuwento. Pag iba na ang usapan, tulad ng halimbawa ng buntonghininga ng mga katulad ko sa mundo, hindi na sila interesado. Parang kami ang nag-uso ng salitang rebolusyon. Pag narinig ito, tumataas ang lahat ng buhok nila, pati sa kilikili, kaya bumabaho tuloy ang usapan. Saka magtatatalak, kami ang makakagalitan. Luma na ‘yon, tanungin mo si Bonifacio. Kung ayaw mong maniwala, e bakit nakikiselebrasyon ka sa araw ng mga bayani? Saka ba’t mo siya tinitingnan sa mga pera?



Ayaw ko nang makinig sa mga usapang “noong araw” na hindi ko makita ang kabuluhan sa kasalukuyan. Ayaw kong maging ulyaning paulit-ulit ang sinasabi. Ayaw kong maging (mas) makulit. Ayaw kong maging inutil. Kay hirap ng maraming tanong sa buhay. Kay hirap ipanganak na “erehe” at “pilibustero” sa mundo. Kay hirap mapagsabihang bandido at terorista. Kay hirap maghanap ng kahulugan ng pangalan. Wala akong balak malagay sa pera ang retrato ko. Gusto ko lang may sumagot at makinig sa tanong ko.