Nemo, ang Batang Papel
ni Rene O. Villanueva
1.
Si Nemo ay isang
batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit saka
pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa
klase. Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid.
Nakatambak siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.
2.
Isang araw, isang
mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad niya sa labas si
Nemo.
3.
Nagpalutang-lutang
sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba. Muntik na siyang
sumabit sa mga sanga ng aratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng daan, muntik na
siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip. Binulyawan
ng kotse. At sininghalan ng bus.
4.
Mabuti na lamang at
napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin bago tuluyang lumapag sa
gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang maluwag si Nemo. Ngunit
nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik nang makayapak sa
kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
5.
Araw-araw, tuwing
hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit na inggit siya sa
kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto rin niyang
maging isang tunay na bata.
6.
“Gusto kong tumawa
tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng totoong bata! Gusto kong
maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
7.
Sabi nila, kapag may
hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin mo ito sa
pinakamalayong bituin sa langit.
8.
Kaya isang gabi,
matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang paglabas ng
pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang
hiling.
9.
“Bituin, bituin,
tuparin ngayon din Ako’y gawing isang batang masayahin!”
10. Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang
parang umiikot ang paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
11. Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya
ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na
payat, at walong totoong kapatid na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot,
at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
12. “’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong
tatay. “Magtrabaho kayo!”
13. Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
14. Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga
humahagibis na bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya
nang isip kung paano makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
15. Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa
umaga’y nagtinda siya ng sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
16. Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya,
pabilis nang pabilis ang kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa
eskuwela. Sumilip siyang muli sa paaralang pinanggalingan niya.
17. Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang
sapatos, inirapan lang si Nemo ng libro.
18. “Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
19. “Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
20. “Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
21. “Alis diyan!”
22. Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang
nagtatakbo hanggang sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa
dagat pero naghikab lang ito. At kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng
ilong nang maamoy siya.
23. “’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay
Nemo.
24. Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming
kalye ng marusing na lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga
batang-kalye. May nagbebenta ng sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at
diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa mga sasakyan. May mga kalbo,
galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik na kapag sinisinghot
nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na ngiti. May mga
batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng matatatandang
puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
25. “Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
26. Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong
hangin, ang mga batang kalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng
bayaning may kipkip na libro. Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan.
Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo na walang taginting ang kanilang
halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng kanilang mata.
27. Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan.
Nagtipon-tipon sila sa isang bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula
silang maglaro at magkantahan. Nalaman ni Nemo na marami palang batang tulad
niya. Mga batang lansangan, mga batang kailangang maghanapbuhay dahil sa
kahirapan.
28. Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang
magkuwentuhan sila, nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto:
mapagmahal na magulang, maayos na tahanan, masayang paaralan, at sapat na
pagkain.
29. Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan.
Matutupad ang anumang pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay
silang tumingala sa pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat
ng ito.
30. “Bituin, bituin, tuparin ngayon din Lahat kami’y gawing
batang masayahin.”
31. Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel.
Inilipad sila ng hangin. Kay gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya
nila dahil malayo na sila sa magulong pamilya, malupit na eskuwela, at maingay
na kalsada.
32. Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga
batang papel. Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas
maligaya na ngayon ang mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata
na kailangang makibaka at mabuhay sa malupit na kalsada.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento