NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN
ni Lamberto Antonio
Napagawi ako sa mababang paaralan
Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,
At dating kubeta ng ilang kababaryo
Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.
Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal
Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng
Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners
Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.
Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;
May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t
Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na
“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng
“Alay nina Don at Dona Pilipito Palapatok.”
Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo
At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila
Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y
Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng
Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi
Sa salawal sa pagkuha ng test –
Kundi may DR. o ENGR., may ATTY.
Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –
Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,
Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.
Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering
Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y
Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;
Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.
Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,
Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang
Nagpautang sa akin noon ng musmos na karansan;
Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:
Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon
Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t
Maulila sa mga magulang). Gumawi ako
Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,
Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,
Kahit papa’no, ang aking pangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento