Linggo, Mayo 5, 2013

Paglisan sa Tsina ni Maningning Miclat

PAGLISAN SA TSINA
ni Maningning Miclat


(1) Isinulat ko ang una kong tula “Isn’t It?” noong high school. Labing-isang taong gulang ako noon. Nakakatuwa iyon, ang saya ko. Nakasulat sa malayang taludturan, nakilala ko na mayroon pala akong indayog. Nang mabasa ng mga kaibigan ko, sinabi nila na walang katuturang tula daw iyon at tinawag ko nga na tula ng kawalang katuturan.

(2) Katawa-tawa ang panahong kinalakhan ng henerasyon ko sa Tsina. Hindi naapektuhan ng Rebolusyong Pangkultura ang tadhana namin. Wala noong consumerismo na tutukso sa aming mga hangarin, ni hahamon na paninindigan namin sa Sosyalismo. Dapat kaming maging Spartan. Dapat makakuha kami ng mataas na grade para makapasok sa magandang eskuwela.

(3) Alam naming lahat na ang mga senior student sa eskuwela namin na nakatira sa dorm ay lumalabas sa kalsada kapag oras nang patayin ang mga ilaw para makapag-aral sa ilalim ng poste. Marami kang hahangaan doon. May isa akong kaklase na makapagrerecite nang paabante at paatras sa buong nobelang Water Margin. Marunong magkaligrapiya at magpiano ang isa kong pinakamatalik na kaibigan sa klase, kaya
kung maglalakad siya at maramdamang hindi tama ang lakad niya, babalik siya sa pinanggalingan sa paniniwalang “practice makes perfect”.

(4) Pagkatapos ng klase, magkasama kaming maglalakad papuntang bus stop; at ang tagal-tagal naming makarating sa bus. Paulit-ulit naming iwinawasiwas pataas ang aming kanang kamay dahil baka mahulog ang iniimagine naming relo. Noon nadevelop ang ilang kakatwang manerismong dala ko pa hanggang ngayon. Ang maganda nito, hindi ako ngayon nahihirapan sa ginagawang rebisyon ng mga sulat dahil sa munting ehersisyo ng pagpapabalik-balik-lakad na ginagawa ko noon sa Beijing.

(5) Marami akong isinusulat at binabasa habang nagkaklase – sa ilalim ng desk. Pag-uwi, sumasakay ako sa swing sa laguwerta namin. Ganoon ko pinananatili ang nararamdamang indayog para sa aking malayang taludturan. Noon ako nag-umpisang mangarap na maging makata at pintor balang araw.

(6) Nang matapos sa junior high school, na halos kasunod ng EDSA Revolution sa Filipinas, bumalik na kaming mag-anak sa eskuwela. Hanggang kunin ako ng ICM sisters ng St. Theresa’s College. Nailathala naman ako sa student page ng World News, pahayagang broadsheet ng komunidad Tsino sa Filipinas. Pagkatapos, nagtrabaho ako bilang isa sa mga translator ng balita sa diyaryong iyon, nag-atubili, at huminto. Pero nalatha pa rin ako; nagkaroon ng promoter ng mga trabaho o sa literary page, sa katauhan ng isang

makata-photographer-businessman, si G. James Na.

(7) Nag-umpisa akong dumalo sa workshop ng tula sa Filipino, na ginaganap sa Adarna House, tagapaglathala ng mga aklat pambata. Pagkatapos sa Rio Alma Poetry Clinic, natanggap akong kasapi ng LIRA, isang grupo ng mga kabataang makata sa Filipino. Ako ang pinakabata noon. Iniindex ko pa ang mga salita noon sa diksyunaryong Tagalog para makapagtugma, dahil wala naman akong makitang rhyming dictionary sa Filipino. Kadalasan ay nagsusukat ako ng pantig para mabawasan ang mga mali ko sa wika.

(8) Nang panahong iyon, nagsusulat pa ako sa Tsino habang nag-aaral ng Filipino. Samantala, binabasa ko sa pagitan ng mga linya ang mga liham na natatanggap ko mula Tsina.

(9) Katagalan, matagal na matagal, pagkatapos ng crackdown sa Tian An Men, ipinadala sa akin ng kaklase ko sa high school ang librong Tuanang Singsing na Luntian na inilathala ng Palimbagan ng Beijing. Kalipunan iyon ng mga sanaysay na isinulat ng mga freshman ng Unibersidad ng Peking noong magtraining military sila sa Kampo Shijachuang bago pasimulan ang kanilang regular na klase sa kampus.

(10) Isinulat sa akin ng kaibigan kong may artikulo sa libro: “Ipinakikita ng librong ito, sa napakatanging punto de bista, ang buhay namin noong mismong taong iyon, at mararanansan mo dito ang pagsasama ng paglikhang pampanitikan at propagandang pampolitika, lalo na sa military.”

(11) Naniniwala ako na nalampasan nang maluwalhati ng lahat ng kaibigan ko sa Tsina ang 1989. Freshman ako sa kolehiyo sa UP Baguio nang maganap ang crackdown. Huminto ako ng pagpapalathala sa World News matapos makitunggali sa isang huling sanaysay at ilang tula sa Tsino. Pagkatapos, ipinasiya kong hindi na ako taga-Tsina, hindi ko na wika ang Tsino.

(12) Doon natapos ang isang panahon.

Napagawi ako sa Mababang Paaralan ni Lamberto Antonio

NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN
ni Lamberto Antonio


Napagawi ako sa mababang paaralan
Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,
At dating kubeta ng ilang kababaryo
Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.
Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal
Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng
Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners
Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.
Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;
May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t
Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na
“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng
“Alay nina Don at Dona Pilipito Palapatok.”
Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo
At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila
Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y
Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng
Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi
Sa salawal sa pagkuha ng test –
Kundi may DR. o ENGR., may ATTY.
Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –
Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,
Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.
Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering
Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y
Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;
Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.
Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,
Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang
Nagpautang sa akin noon ng musmos na karansan;
Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:
Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon
Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t
Maulila sa mga magulang). Gumawi ako
Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,
Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,
Kahit papa’no, ang aking pangalan.

Mga Alamat Kabanata 3, El Filibusterismo ni Jose Rizal


Mga Alamat Kabanata 3, El Filibusterismo ni Jose Rizal

Pumapasok na nga noon sa lawa ang bapor at tunay na napakaringal ang tanawing tumambad sa kanilang paningin. Humanga ang lahat. Sa harap, nakalatag ang kaakitakit na lawa, naliligid ng luntiang pampangin at asul na bundok, kahawig ng isang napakalaking salamin na may kuwadrong esmeralda at sapiro upang masalaminan ng langit. Sa kanan, nakalatag ang mahabang pampangin, lumilikha ng mga look na may kaaya-ayang kurba. At doon sa malayo, may kalabuan ang kawit ng Sugnay. Sa dakong likuran ng harap, maharlikang nakatindig ang Makiling, mahirap limutin, napuputungan ng maninipis na ulap. At sa kaliwa, ang pulo ng Talim, ang Susong Dalaga na may malalambot na kunday at nagpapatunay sa pangalan nito.

Isang sariwang simoy ang buong tamis na kumulot sa malawak na mukha ng lawa.

“Siya nga pala, Kapitan,” ani Ben Zayb na lumingon, “alam ba ninyo kung sang dako ng lawa namatay ang isang nagngangalang Guevarra, Navarra o Ibarra?”

Tumingin ang lahat sa Kapitan maliban kay Simoun na bumaling sa ibang dako upang hanapin ang kung ano sa pampangin.

“Oo nga!” ani Donya Victorina. “Saan Kapitan? May Naiwan bang palatandaan sa tubig?”

Ilang ulit kumindat ang butihing ginoo, bilang patunay ng kaniyang pagkaligalig. Ngunit nang makita niya ang samo sa mga mata ng lahat, lumapit nang ilang hakbang sa dulo ng bapor at sinuri ang pampangin.

“Tumingin kayo doon,” aniya sa tinig na halos hindi marinig pagkatapos matiyak na walang ibang tao sa malapit. “Sang-ayon sa kabo na namahala sa pagtugis, nang makita ni Ibarra na mapipikot siya, tumalon siya mula sa bangka doon sa malapit sa kinabutasan at, sumisid nang sumisid sa gitna ng dalawang tubig, tinawid ang distansiyang mahigit dalawang milya, at sinasalubong ng punglo tuwing lilitaw ang ulo upang huminga. Sa banda pa roon siya nawala sa kanilang paningin at sa malayo-layo pa, malapit sa pampang may nakita silang tila kulay dugo…At iyon na nga! Labintatlong taon na ngayon, walang labis walang kulang nang maganap ito.”

“Samakatwid, ang kaniyang bangkay?…” Tanong ni Ben Zayb

“Ay kapiling na ng bangkay ng kaniyang ama,” tugon ni Padre Sibyla. Hindi ba’t isa rin itong filibustero, Padre Salvi?”


“Napakamurang mga libing, hindi po ba, Padre Camorra?” tanong ni Ben Zayb.

Lagi kong sinasabi na isang filibustero ang ayaw magbayad para sa mariringal na libing,” sagot ng tinukoy habang tumatawa nang buong saya.

“Pero, ano ang nangyayari sa inyo, Senyor Simoun?” Tanong ni Ben Zayb, nang mapansing walang tinag at buong lalim na nagninilay ang alahero.

“Nahihilo ba kayo, kayo na isang biyahero! At sa sampatak na tubig tulad nito?”

“Ang masasabi ko sa inyo,” wika ng Kapitan na tinubuan na ng pagmamahal sa pook na iyon. “Huwag ninyo itong tawaging sampatak na tubig. Higit na malaki ito kaysa alinmang lawa sa Suiza at malaki pa kahit pagsamahin ang lahat ng lawa sa Espanya. Marami na akong nakitang matandang marino na nalula dito.”

Pp 21-23 Kabanata 3 ng El Filibusterismo, Mga Alamat

Alamat ng Waling-waling


ALAMAT NG WALING-WALING

Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao, may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan. Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah.

Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon. Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni Bal-Lido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya, dumaan muna siya sa isang pagsubok.

“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulat na lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa kaniyang katawan.

“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng sundang sa akin.”

Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig. Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay paparating.”

Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang mga salita pagdating sa pag-ibig.

Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya.

Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit, dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak, itinago niya ito sa gitna ng gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang sabihin ng kaniyang Rajah.

Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak.

Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim, at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit, nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.

Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang noon pa lamang niya nakita.

Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong gawin ng Rajah sa kaniyang ama.

Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya. Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya ang isang nagngingitngit na Rajah.

“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak? Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”

Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa aking harem at siya ang gagawin kong asa…”

Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda.

Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga talulot.

Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo. Isang pag-alaala sa mga pag-ibig na sana’y maabot na niya.

Pp 49-53 The Legend of the Waling-Waling ni Gaudencio V. Aquino



Mga Kakaibang Nilalang sa Filipinas

MGA KAKAIBANG NILALANG SA FILIPINAS

Diwata o Engkanto – nilalang na nagbabantay sa kalikasan at karaniwang may katawan ng tao. Sinasabing nang-aakit sila ng mga binata at dalaga upang gawin nilang asawa.

Sirena at Siyokoy – mga nilalang na may katawan ng tao at buntot ng isda. Nakatira sila sa ilalim ng karagatan at nang-aakit sila ng mga mangingisda.

Tiyanak o Impakto – sanggol na hindi nabinyagan at kumakain ng laman ng tao. Nagpapanggap silang inabandonang sanggol na umiiyak.

Aswang – nilalang na nag-iibang anyo sa gabi at nag-aanyong tao sa umaga. Kumakain sila ng tao at maaaring mag-anyong hayop.

Manananggal – nilalang na napuputol ang katawan at nagkakaroon ng pakpak. Mula sa bubong, hinihigop ng kanilang mahabang dila ang mga sanggol ng buntis.

Kapre - higanteng nilalang na mahilig manabako at nakatira sa malalaking puno. Mahilig itong maglaro sa mga bata.

Tikbalang – kalahating tao at kabayo. Mahilig itong maghanap ng mga dalaga upang gawing asawa.

Duwende at Nuno sa Punso – mga maliliit na nilalang na nagbibigay ng suwerte o malas sa tao. Nakatira sa isang nuno o tumbok ng lupa ang nuno sa punso.

Mambabarang at Mangkukulam – mga nilalang na karaniwang matatandang babae na nagpapahirap sa isang tao. Ang mambabarang ay nagpapalabas ng mga insekto sa katawan ng isang tao. Ang mangkukulam naman ay sinasaktan o binabago ang anyo ng isang tao.

[Pinagkunan: Philippine Myths and Legends ni Johnny C. Young]

Ang Mga Duwende


ANG MGA DUWENDE
Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol

Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:

“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.

“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya--malaki para sa kaniyang braso.”

Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende.

Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.

Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.

Kay Mariang Makiling ni Edgar Calabia Samar


KAY MARIANG MAKILING
Edgar Calabia Samar

Nagpaalam noon ang Nanay.
Hindi ipinaalam kung saan siya pupunta.
Anong pook ang maaari niyang puntahan
upang di na magbalik?
Anong pook ang maaari niya?
Nagkampo kami ni Tatay sa Makiling.
Inalala ang kuwento ng diwatang
naglaho sa panglaw ng sariling panaghoy.
“Hindi na siya babalik,” sabi ni Tatay.
Pag-uwi, tinanaw ko ang bundok,
at totoo, mas maganda itong tingnan
sa malayo: hindi matitinag, buo.

Ang Alamat ni Daragang Magayon

ANG ALAMAT NI DARAGANG MAGAYON

Katulad ng lahat ng alamat, nangyari ang kuwentong ito noong unang panahon. Naganap ito sa payapang rehiyon ng Ibalong, sa maliit na bayan ng Rawis, na pinamumunuan ng makatarungang datung si Makusog. Ang asawa ng datu na si Dawani ay namatay sa panganganak. Kaya’t nanatiling iisa ang anak ni Datu Makusog—isang anak na babaeng walang kapares sa kagandahan at kabaitan, si Daragang Magayon.

Hindi tuloy nakapagtataka kung bakit dumadayo ang napakaraming manliligaw mula sa ibang tribu, kabilang na ang nasa malalayong bayan, upang mabihag ang puso ng dalaga. Ngunit wala ni isa sa mga binatang ito ang nakakuha ng pagtingin ng magandang binibini. Wala, kahit ang makisig at mapagmataas na si Pagtuga, ang dakilang mangangaso at datu ng Iraga. Kahit pa pinaulanan ni Pagtuga ng mga handog na ginto, perlas, at iba pang kayamanan ang ama ni Magayon, ay hindi pa rin nito nakuha ang loob ng dalaga.

Isang katangi-tanging binatilyo ang nagpakita si Rawis: si Ulap, ang tahimik ngunit matapang na anak ni Datu Karilaya ng Katagalugan. Naglakad siya nang malayo upang makita ng sarili niyang mga mata ang ipinagbuunying kagandahan ni Daragang Magayon.

Ngunit hindi katulad ng ibang manliligaw, nagdahan-dahan si Ulap. Tiniis niya ang magnakaw lamang ng mga sulyap mula sa malayo habang nagtatampisaw si Daragang Magayon sa ilog ng Yawa.

Pagkatapos ng isang maulang gabi, pumunta ulit si Magayon sa Ilog Yawa upang magtampisaw. Nadulas siya sa batuhan at nahulog sa malamig na ilog. Dagli-dagling sumaklolo si Ulap at binuhat ang nangangatog na dilag pabalik sa dalampasigan. Ito ang naging simula ng pag-iibigan ni Daragang Magayon at ni Ulap.

Ilang beses pang nagtagpo si Ulap at si Daragang Magayon. Hanggang sa isang araw, sinundan ni Ulap si Magayon sa pag-uwi. Pagdating sa bahay ni Datu Makusog, buong lakas nang loob na ibinaon ni Ulap ang kaniyang sibat sa hagdan. Ipinapahiwatig nito ang kaniyang kagustuhang pakasalan si Magayon. Walang nagawa si Magayon kundi mamula, magpigil ng tawa, at umiwas ng tingin. Dahil dito, napagtanto ni Datu Makusog na umiibig ang kaniyang nag-iisang anak, kaya’t hindi na siya nagpahayag ng kahit anong pagtanggi. Tuwang-tuwa si Magayon at si Ulap. Binalak nilang gawin ang kasalan pagkalipas ng isang buwan upang mabalitaan ni Ulap ang kaniyang mga kababayan, at upang makapaghanda nang husto para sa pagdiriwang.

Mabilis na kumalat ang magandang balita. Nakarating agad ito kay Pagtuga, na namula sa galit. Nang mangaso si Datu Makusog, dinakip siya ni Pagtuga. Nagpadala si Pagtuga ng mensahe kay Magayon, nagbabantang papatayin ang kaniyang ama at maghahasik ng digmaan sa kaniyang bayan kung hindi siya pakakasalan.

Sinunod ni Magayon ang kahilingan ni Pagtuga, labag man sa kaniyang kalooban. Agad-agad na inihanda ang kasalan. Nang malaman ni Ulap ang masaklap na pangyayari, nagmadali siya pabalik ng Rawis kasama ang pinakamagigiting niyang mandirigma.

Kasisimula pa lamang ng seremonya nang dumating sina Ulap. Sa halip na isang pagdiriwang para sa kasal, isang madugong labanan ang naganap. Napuno ang langit ng mga palaso. Napuno ang hangin ng tunog ng nagkikiskisang bolo. Nagtuos si Ulap at si Pagtuga, isang labanan para sa kamay ng nag-iisang si Magayon.
Nadaig at napaslang ni Ulap si Pagtuga. Masayang sinalubong ni Magayon si Ulap, akmang yayakapin—nang biglang isang ligaw na palaso ang tumama sa likod ng dalaga.

At habang sapo-sapo ni Ulap ang nag-aagaw-hininga niyang iniibig, bigla siyang sinibat sa likod ng isang kawal ni Pagtuga. Agad na hinataw ni Datu Makusog ang kawal ng kaniyang minasbad, isang matalim na bolo.

Pagkatapos ng mabilis na pangyayaring iyon, tumahimik ang lahat ng mandirigma. Tumigil ang digmaan. Sa halip na marinig ang kasiyahan ng isang pagdiriwang ng kasalan, mga hikbi at hagulgol para sa mga pumanaw ang lumutang sa hangin. Kahit na halos walang makita dahil sa walang-tigil na pagluha si Datu Makusog, naghukay siya nang naghukay. Nang matapos, inilibing niya ang kaniyang nag-iisang anak na si Magayon, at
ang nag-iisa nitong pag-ibig na si Ulap, nang magkatabi at magkayakap.

Habang lumilipas ang mga araw, unti-unting tumaas ang lupang pinaglibingan kina Ulap at Magayon. Tumaas ito nang tumaas, at di nagtagal, sinamahan ito ng pagyanig ng lupa at pagtilapon ng nagbabagang mga bato. Naniniwala ang mga matatanda na kapag nangyayari ito, ginagalit ni Pagtuga ang bulkan upang maibalik sa kaniya ang mga kayamanang iniregalo niya kay Magayon—mga regalong inilibing kasama ng dalaga sangayon sa mga lumang paniniwala.

May mga araw kung kailan natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sinasabi ng mga matatanda na kapag nangyayari ito, hinahalikan ni Ulap si Magayon. At kung pagkatapos nito ay marahang dumampi ang ulan sa magiliw na libis ng bulkan, naniniwala ang mga matatandang lumuluha si Ulap.

Pagkatapos ng mahabang panahon ay umigsi na ang pangalan ni Magayon at naging Mayong o Mayon. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, kahit na maaliwalas ang panahon, isang anino ng masalimuot na kuwento ng isang natatanging dalaga at ng kaniyang iniibig ang bumabalong sa magandang bayan ni Daragang Magayon.

Mabangis na Lungsod ni Efren Abueg


Mabangis na Lungsod
ni Efren Abueg

Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki't maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi'y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kaniya kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi'y mailaw at mabawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.

Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung ano-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naaawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kaniyang mga bisig sa wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kaniyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kaniyang katawan.

"Mama... Ale, palimos na po."

Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalata ng pagmamadali ng pagiwas.

"Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!"

Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. "Pinaghahanapbuhay 'yan ng mga magulang para maisugal," madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kaniya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kaniyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.

At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghindi sa kaniya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.

“May reklamo?" ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito'y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kaniyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kaniyang bituka.

“Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!"

Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao'y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.

Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kaniyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kaniyang kinaroroonan.

“Malapit nang dumating si Bruno..." ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa'y para sa lahat na maaaring makarinig. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kaniyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kaniyang mga laman at nagpapantindig sa kaniyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kaniyang harap ang mga taong malamig, walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kaniyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kaniyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa't waring umuuntag sa kaniya na gumawa ng isang marahas na bagay.

Ilang singkong barya ang nalaglag sa kaniyang palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga barya sa kaniyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kaniyang palad. At sa kaabalahan niya'y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.

“Adong... ayun na si Bruno" narinig niyang wika ni Aling Ebeng.

Tinanaw ni Adong ang ininguso sa kaniya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kaniyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kaniyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay.

Mahigpit niyang kinulong sa kaniyang palad ang mga baryang napagpalimusan.

“Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!" mabilis niyang sinabi sa matanda.

“Ano? naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!"

Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglalakad, sa simula'y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya'y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kaniyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula't mula pa'y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa kaniyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing.

“Adong!" Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kaniya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kaniyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kaniyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at kabangisan.

“Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" Naisigaw na lamang ni Adong.

Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kaniya.

Nemo, Ang Batang Papel ni Rene O. Villanueva


Nemo, ang Batang Papel
ni Rene O. Villanueva
1.    Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase. Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.
2.    Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad niya sa labas si Nemo.
3.    Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba. Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng aratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip. Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
4.    Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
5.    Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto rin niyang maging isang tunay na bata.
6.    “Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
7.    Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
8.    Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang hiling.
9.    “Bituin, bituin, tuparin ngayon din Ako’y gawing isang batang masayahin!”
10. Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
11. Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
12. “’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho kayo!”
13. Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
14. Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
15. Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
16. Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa paaralang pinanggalingan niya.
17. Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si Nemo ng libro.
18. “Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
19. “Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
20. “Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
21. “Alis diyan!”
22. Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
23. “’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
24. Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
25. “Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
26. Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batang kalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro. Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng kanilang mata.
27. Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
28. Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila, nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.
29. Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
30. “Bituin, bituin, tuparin ngayon din Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
31. Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
32. Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel. Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at mabuhay sa malupit na kalsada.

Impeng Negro ni Rogelio R. Sikat


IMPENG NEGRO
Rogelio R. Sikat

“BAKA makikipag-away ka na naman, Impen.”

Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho...,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”

May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa’y naghilamos.

“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto ang pambili.”

Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya’y pumasok.

“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.

“Mamaya,aka umuwi ka namang...basag ang mukha.”

Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong na sa tagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan. Nagsisikain pa.

Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.

Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip.

Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.

Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.

“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang papansinin.”
Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.

Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunuksyo sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng panunukso:

“Ang itim mo, Impen!” itutukso nito.

“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.

“Sino ba talaga ang tatay mo?”

“Sino pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!”

Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.

Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:

“E ano kung maitim?” isasagot niya.

Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.

“Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso... Namamalirong!

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)

“Sarisari ang magiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”

Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.

Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.

Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit samga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!

Napapatungo na laamang siya.

Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.

Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.

Halos kasingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.

Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.

Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.

Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay May kumakain ng halu-halo.

Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang tingin. Pnilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba’t di iikli ang pila? naisip niya. Makasasahod din ako.
Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:

“Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!”

Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.

“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!”

Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya’y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?

Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikia niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa
ibabaw ng kanyang nguso. may butil na rin ng pawis sa kanyang ilong.

Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.

“Negro!” Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor.
“Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig.”

Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita na nginingisihan siya nito.

Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.

May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.

Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang ang sa kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan nito ng tubig.

“Gutom na ako, Negro,” sabi ni Ogor. “Ako muna.”

Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. “Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e,” giit ni Ogor.

Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

“Ano pa ba ang ibinubulong mo?”

Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabitawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!

Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.

“O-ogor...O-ogor...” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. “Ogor!” sa wakas ay naisigaw niya.

Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.

Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.

“O-ogor...”

Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumuglong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.

Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.

Si Ogor...Sa mula’t mula pa’y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon ni Ogor?

Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang Makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.

Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunud-sunod niya: dagok, dagok, dagok... pahalipaw... papaluka...papatay.

Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Maruming babae ang kanyang ina. Sari-sari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor. Papatayin. Papatayinnn!

Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdaman sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!

Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro.

Negro!

Sa mga dagok ni Ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang umigtad. napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok...

Mahina na si Ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...
Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

“Impen...”

Muli niyang itinaas ang kamay.

“I-Impen...” Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. “I-Impen...s-suko n-na...aako... s-suko...n-na...a-ako!”

Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya. Abut-abot ang pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likod. May basa ng dugo’t lupa ang kanyang nguso.

Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi.

Pinangingimian siya!

May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.

Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagihang larangan.