Linggo, Mayo 5, 2013

Paglisan sa Tsina ni Maningning Miclat

PAGLISAN SA TSINA
ni Maningning Miclat


(1) Isinulat ko ang una kong tula “Isn’t It?” noong high school. Labing-isang taong gulang ako noon. Nakakatuwa iyon, ang saya ko. Nakasulat sa malayang taludturan, nakilala ko na mayroon pala akong indayog. Nang mabasa ng mga kaibigan ko, sinabi nila na walang katuturang tula daw iyon at tinawag ko nga na tula ng kawalang katuturan.

(2) Katawa-tawa ang panahong kinalakhan ng henerasyon ko sa Tsina. Hindi naapektuhan ng Rebolusyong Pangkultura ang tadhana namin. Wala noong consumerismo na tutukso sa aming mga hangarin, ni hahamon na paninindigan namin sa Sosyalismo. Dapat kaming maging Spartan. Dapat makakuha kami ng mataas na grade para makapasok sa magandang eskuwela.

(3) Alam naming lahat na ang mga senior student sa eskuwela namin na nakatira sa dorm ay lumalabas sa kalsada kapag oras nang patayin ang mga ilaw para makapag-aral sa ilalim ng poste. Marami kang hahangaan doon. May isa akong kaklase na makapagrerecite nang paabante at paatras sa buong nobelang Water Margin. Marunong magkaligrapiya at magpiano ang isa kong pinakamatalik na kaibigan sa klase, kaya
kung maglalakad siya at maramdamang hindi tama ang lakad niya, babalik siya sa pinanggalingan sa paniniwalang “practice makes perfect”.

(4) Pagkatapos ng klase, magkasama kaming maglalakad papuntang bus stop; at ang tagal-tagal naming makarating sa bus. Paulit-ulit naming iwinawasiwas pataas ang aming kanang kamay dahil baka mahulog ang iniimagine naming relo. Noon nadevelop ang ilang kakatwang manerismong dala ko pa hanggang ngayon. Ang maganda nito, hindi ako ngayon nahihirapan sa ginagawang rebisyon ng mga sulat dahil sa munting ehersisyo ng pagpapabalik-balik-lakad na ginagawa ko noon sa Beijing.

(5) Marami akong isinusulat at binabasa habang nagkaklase – sa ilalim ng desk. Pag-uwi, sumasakay ako sa swing sa laguwerta namin. Ganoon ko pinananatili ang nararamdamang indayog para sa aking malayang taludturan. Noon ako nag-umpisang mangarap na maging makata at pintor balang araw.

(6) Nang matapos sa junior high school, na halos kasunod ng EDSA Revolution sa Filipinas, bumalik na kaming mag-anak sa eskuwela. Hanggang kunin ako ng ICM sisters ng St. Theresa’s College. Nailathala naman ako sa student page ng World News, pahayagang broadsheet ng komunidad Tsino sa Filipinas. Pagkatapos, nagtrabaho ako bilang isa sa mga translator ng balita sa diyaryong iyon, nag-atubili, at huminto. Pero nalatha pa rin ako; nagkaroon ng promoter ng mga trabaho o sa literary page, sa katauhan ng isang

makata-photographer-businessman, si G. James Na.

(7) Nag-umpisa akong dumalo sa workshop ng tula sa Filipino, na ginaganap sa Adarna House, tagapaglathala ng mga aklat pambata. Pagkatapos sa Rio Alma Poetry Clinic, natanggap akong kasapi ng LIRA, isang grupo ng mga kabataang makata sa Filipino. Ako ang pinakabata noon. Iniindex ko pa ang mga salita noon sa diksyunaryong Tagalog para makapagtugma, dahil wala naman akong makitang rhyming dictionary sa Filipino. Kadalasan ay nagsusukat ako ng pantig para mabawasan ang mga mali ko sa wika.

(8) Nang panahong iyon, nagsusulat pa ako sa Tsino habang nag-aaral ng Filipino. Samantala, binabasa ko sa pagitan ng mga linya ang mga liham na natatanggap ko mula Tsina.

(9) Katagalan, matagal na matagal, pagkatapos ng crackdown sa Tian An Men, ipinadala sa akin ng kaklase ko sa high school ang librong Tuanang Singsing na Luntian na inilathala ng Palimbagan ng Beijing. Kalipunan iyon ng mga sanaysay na isinulat ng mga freshman ng Unibersidad ng Peking noong magtraining military sila sa Kampo Shijachuang bago pasimulan ang kanilang regular na klase sa kampus.

(10) Isinulat sa akin ng kaibigan kong may artikulo sa libro: “Ipinakikita ng librong ito, sa napakatanging punto de bista, ang buhay namin noong mismong taong iyon, at mararanansan mo dito ang pagsasama ng paglikhang pampanitikan at propagandang pampolitika, lalo na sa military.”

(11) Naniniwala ako na nalampasan nang maluwalhati ng lahat ng kaibigan ko sa Tsina ang 1989. Freshman ako sa kolehiyo sa UP Baguio nang maganap ang crackdown. Huminto ako ng pagpapalathala sa World News matapos makitunggali sa isang huling sanaysay at ilang tula sa Tsino. Pagkatapos, ipinasiya kong hindi na ako taga-Tsina, hindi ko na wika ang Tsino.

(12) Doon natapos ang isang panahon.

Napagawi ako sa Mababang Paaralan ni Lamberto Antonio

NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN
ni Lamberto Antonio


Napagawi ako sa mababang paaralan
Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,
At dating kubeta ng ilang kababaryo
Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.
Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal
Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng
Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners
Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.
Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;
May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t
Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na
“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng
“Alay nina Don at Dona Pilipito Palapatok.”
Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo
At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila
Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y
Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng
Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi
Sa salawal sa pagkuha ng test –
Kundi may DR. o ENGR., may ATTY.
Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –
Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,
Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.
Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering
Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y
Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;
Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.
Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,
Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang
Nagpautang sa akin noon ng musmos na karansan;
Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:
Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon
Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t
Maulila sa mga magulang). Gumawi ako
Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,
Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,
Kahit papa’no, ang aking pangalan.

Mga Alamat Kabanata 3, El Filibusterismo ni Jose Rizal


Mga Alamat Kabanata 3, El Filibusterismo ni Jose Rizal

Pumapasok na nga noon sa lawa ang bapor at tunay na napakaringal ang tanawing tumambad sa kanilang paningin. Humanga ang lahat. Sa harap, nakalatag ang kaakitakit na lawa, naliligid ng luntiang pampangin at asul na bundok, kahawig ng isang napakalaking salamin na may kuwadrong esmeralda at sapiro upang masalaminan ng langit. Sa kanan, nakalatag ang mahabang pampangin, lumilikha ng mga look na may kaaya-ayang kurba. At doon sa malayo, may kalabuan ang kawit ng Sugnay. Sa dakong likuran ng harap, maharlikang nakatindig ang Makiling, mahirap limutin, napuputungan ng maninipis na ulap. At sa kaliwa, ang pulo ng Talim, ang Susong Dalaga na may malalambot na kunday at nagpapatunay sa pangalan nito.

Isang sariwang simoy ang buong tamis na kumulot sa malawak na mukha ng lawa.

“Siya nga pala, Kapitan,” ani Ben Zayb na lumingon, “alam ba ninyo kung sang dako ng lawa namatay ang isang nagngangalang Guevarra, Navarra o Ibarra?”

Tumingin ang lahat sa Kapitan maliban kay Simoun na bumaling sa ibang dako upang hanapin ang kung ano sa pampangin.

“Oo nga!” ani Donya Victorina. “Saan Kapitan? May Naiwan bang palatandaan sa tubig?”

Ilang ulit kumindat ang butihing ginoo, bilang patunay ng kaniyang pagkaligalig. Ngunit nang makita niya ang samo sa mga mata ng lahat, lumapit nang ilang hakbang sa dulo ng bapor at sinuri ang pampangin.

“Tumingin kayo doon,” aniya sa tinig na halos hindi marinig pagkatapos matiyak na walang ibang tao sa malapit. “Sang-ayon sa kabo na namahala sa pagtugis, nang makita ni Ibarra na mapipikot siya, tumalon siya mula sa bangka doon sa malapit sa kinabutasan at, sumisid nang sumisid sa gitna ng dalawang tubig, tinawid ang distansiyang mahigit dalawang milya, at sinasalubong ng punglo tuwing lilitaw ang ulo upang huminga. Sa banda pa roon siya nawala sa kanilang paningin at sa malayo-layo pa, malapit sa pampang may nakita silang tila kulay dugo…At iyon na nga! Labintatlong taon na ngayon, walang labis walang kulang nang maganap ito.”

“Samakatwid, ang kaniyang bangkay?…” Tanong ni Ben Zayb

“Ay kapiling na ng bangkay ng kaniyang ama,” tugon ni Padre Sibyla. Hindi ba’t isa rin itong filibustero, Padre Salvi?”


“Napakamurang mga libing, hindi po ba, Padre Camorra?” tanong ni Ben Zayb.

Lagi kong sinasabi na isang filibustero ang ayaw magbayad para sa mariringal na libing,” sagot ng tinukoy habang tumatawa nang buong saya.

“Pero, ano ang nangyayari sa inyo, Senyor Simoun?” Tanong ni Ben Zayb, nang mapansing walang tinag at buong lalim na nagninilay ang alahero.

“Nahihilo ba kayo, kayo na isang biyahero! At sa sampatak na tubig tulad nito?”

“Ang masasabi ko sa inyo,” wika ng Kapitan na tinubuan na ng pagmamahal sa pook na iyon. “Huwag ninyo itong tawaging sampatak na tubig. Higit na malaki ito kaysa alinmang lawa sa Suiza at malaki pa kahit pagsamahin ang lahat ng lawa sa Espanya. Marami na akong nakitang matandang marino na nalula dito.”

Pp 21-23 Kabanata 3 ng El Filibusterismo, Mga Alamat

Alamat ng Waling-waling


ALAMAT NG WALING-WALING

Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao, may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan. Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah.

Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon. Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni Bal-Lido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya, dumaan muna siya sa isang pagsubok.

“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulat na lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa kaniyang katawan.

“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng sundang sa akin.”

Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig. Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay paparating.”

Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang mga salita pagdating sa pag-ibig.

Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya.

Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit, dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak, itinago niya ito sa gitna ng gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang sabihin ng kaniyang Rajah.

Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak.

Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim, at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit, nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.

Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang noon pa lamang niya nakita.

Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong gawin ng Rajah sa kaniyang ama.

Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya. Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya ang isang nagngingitngit na Rajah.

“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak? Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”

Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa aking harem at siya ang gagawin kong asa…”

Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda.

Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga talulot.

Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo. Isang pag-alaala sa mga pag-ibig na sana’y maabot na niya.

Pp 49-53 The Legend of the Waling-Waling ni Gaudencio V. Aquino



Mga Kakaibang Nilalang sa Filipinas

MGA KAKAIBANG NILALANG SA FILIPINAS

Diwata o Engkanto – nilalang na nagbabantay sa kalikasan at karaniwang may katawan ng tao. Sinasabing nang-aakit sila ng mga binata at dalaga upang gawin nilang asawa.

Sirena at Siyokoy – mga nilalang na may katawan ng tao at buntot ng isda. Nakatira sila sa ilalim ng karagatan at nang-aakit sila ng mga mangingisda.

Tiyanak o Impakto – sanggol na hindi nabinyagan at kumakain ng laman ng tao. Nagpapanggap silang inabandonang sanggol na umiiyak.

Aswang – nilalang na nag-iibang anyo sa gabi at nag-aanyong tao sa umaga. Kumakain sila ng tao at maaaring mag-anyong hayop.

Manananggal – nilalang na napuputol ang katawan at nagkakaroon ng pakpak. Mula sa bubong, hinihigop ng kanilang mahabang dila ang mga sanggol ng buntis.

Kapre - higanteng nilalang na mahilig manabako at nakatira sa malalaking puno. Mahilig itong maglaro sa mga bata.

Tikbalang – kalahating tao at kabayo. Mahilig itong maghanap ng mga dalaga upang gawing asawa.

Duwende at Nuno sa Punso – mga maliliit na nilalang na nagbibigay ng suwerte o malas sa tao. Nakatira sa isang nuno o tumbok ng lupa ang nuno sa punso.

Mambabarang at Mangkukulam – mga nilalang na karaniwang matatandang babae na nagpapahirap sa isang tao. Ang mambabarang ay nagpapalabas ng mga insekto sa katawan ng isang tao. Ang mangkukulam naman ay sinasaktan o binabago ang anyo ng isang tao.

[Pinagkunan: Philippine Myths and Legends ni Johnny C. Young]

Ang Mga Duwende


ANG MGA DUWENDE
Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol

Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:

“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.

“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya--malaki para sa kaniyang braso.”

Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende.

Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.

Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.

Kay Mariang Makiling ni Edgar Calabia Samar


KAY MARIANG MAKILING
Edgar Calabia Samar

Nagpaalam noon ang Nanay.
Hindi ipinaalam kung saan siya pupunta.
Anong pook ang maaari niyang puntahan
upang di na magbalik?
Anong pook ang maaari niya?
Nagkampo kami ni Tatay sa Makiling.
Inalala ang kuwento ng diwatang
naglaho sa panglaw ng sariling panaghoy.
“Hindi na siya babalik,” sabi ni Tatay.
Pag-uwi, tinanaw ko ang bundok,
at totoo, mas maganda itong tingnan
sa malayo: hindi matitinag, buo.