Huwebes, Disyembre 13, 2012

Bayan Ko: Laban O Bawi? (Learning Package Filipino G7, 4th Grading)


Bayan Ko: Laban O Bawi?
ni Jose F. Lacaba 

May mga kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman sila mga Amboy na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na lumaban sa dalawang People Power Revolution sa Edsa. Pero nitong mga nakaraang araw, seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang posibilidad na mag-immigrate sa Canada o Australia.

Kung baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto nila.

Hindi ko naman sila masisi. Ibon mang may layang lumipad, kapag matagal-tagal nang nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa ating bayang magiliw, ay makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT.

At hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang milyon. Ayon sa pinakahuling survey ng Weather-Weather Station, 69 porsiyento ng ating mga kabataan--at siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga presong nahatulan ng kamatayan--ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang maging Men in Black. O kaya'y X-Men. O kahit na Hobbit.

Ang 30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing survey, ay gustong sumapi sa Yaya Sisterhood. Mas malaki kasi ang kita sa pag-aalaga ng isang uhuging sanggol sa Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging bata sa ilalim ng punong mangga sa Barangay Bagong Bakuna.

Gayunman, lumalabas sa survey na may isang porsiyentong nakalaan pa ring manatili sa ating lupang tinubuan. Ito'y binubuo ng mga sumusunod na sektor: pulitiko, kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf, at
SWAP (Samahan ng mga Walang Atik at Pamasahe).

"Wala na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng dalawang Edsa at isang Diosdado Macapagal Avenue," himutok ng mga nawalan na ng pag-asa.

Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng kawalang-pag-asa ang sumusunod: di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura, di-makontrol na polusyon, sobrang trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at galunggong, kawalan ng hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang bold, at pagpapakasal ni Assunta kay Kongresista Jules.

Takang-taka ang mga kaibigan ko't kakilala kung bakit pinipili kong dito pa rin manirahan sa loob ng bayan nating sawi. Ang una nilang tanong ay: "Bakeeet?!" At ang ikalawa'y: "Is that your final answer?" "Do you sure?"

Ganito ang sagot ko sa kanila.

Sa ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa Pilipinas dahil exciting ang buhay dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado ang bawat araw at gabi mo, kung sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi ng bahay, mamamatay ka sa antok. Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at makabagbag-damdamin at puno ng misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela.

Paglabas mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang aagaw sa cellphone mo. Pagtulog mo sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang magtatanggal sa side-view mirror ng kotse mo.

Kahit superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad ni Kongresista Imee Marcos, puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay. At kahit superpobre ka at walang mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas, puwede namang mabagsakan ng bundok ng basura ang barungbarong mo.

Sa madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para kang laging nakakapanood ng palabas sa circus. Marami kang makikitang naglalakad sa alambreng tinik, at kabilang sa makikita mo ay ang iyong sarili.

At saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating bayan. Sa kabila ng kapalpakan at  kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno, mayroon namang gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng alkalde ang bikini car wash. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at kalusugan ng kababaihan. Nawalan nga lang ng trabaho ang mga nakabikining kumikita noon ng P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang magputa na lang, baka mas malaki pa ang
kanilang kitain.

Salamat din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng mga taong-simbahan, hindi ka na makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang convenience store. Posibleng lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o kaya'y maraming mabubuntis na hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila iyon.
Mahilig kasi silang manood ng Joyce Jimenez sa Pasay, e di, ayan, impiyerno sa lupa ang bagsak nila.

Kahit ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe rin naman ang kalagayan sa ibang bansa.

Sa New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of Sex. Diumano, mayroon itong layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita nito ang "sexual landscape" sa pamamagitan ng ritrato, poster, painting, libro, at pelikula, na mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal Sin.

Alam ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of Sex? Lalo pang mapapariwara ang maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos ay magsusundalo, at pagkatapos ay ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan, at pagkatapos ay magsisilang ng isa na namang henerasyon ng mga walang-tatay na tisoy at tisay, na pagkatapos ay kukuning artista ni Kuya Germs at sa kalaunan ay magiging bold star, na pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga manonood, na paglabas ng sinehan ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila, na dahil walang condom ay magsisilang ng sanggol na
may AIDS, at pagkatapos...

Diyos na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya ng sambayanang Pilipino?

Teka muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya ako sa Timbuktu? 

Ampalaya (Ang Filipinas 50 Taon Makatapos ng Bagong Milenyo)


“Ampalaya (Ang Filipinas 50 Taon Makatapos ng Bagong Milenyo)”
ni Reuel Molina Aguila

Upang basahin ang kapalaran ng mga bayan,
kailangang buklatin ang aklat ng kaniyang kahapon.
At dahil diyan ay inuulit namin at uulitin kailanman, na,
samantalang may panahon ay lalong mabuting pangunahan
ang mga hangarin ng isang bayan kaysa pahinuhod; ang una’y
umaakit ng kalooban at ng pag-ibig; ang pangalawa ay
umaakit ng pagpapawalang-halaga at ng poot.

Upuan ni Gloc-9 (Learning Package Filipino G7, 4th Grading)


Upuan
ni Gloc-9
Kayo po na naka upo,
Subukan nyo namang tumayo
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko

Ganito kasi yan eh...

Verse 1:

Tao po, nandyan po ba kayo sa loob ng
Malaking bahay at malawak na bakuran
Mataas na pader pinapaligiran
At naka pilang mga mamahaling sasakyan
Mga bantay na laging bulong ng bulong
Wala namang kasal pero marami ang naka barong
Lumakas man ang ulan ay walang butas ang bubong
Mga plato't kutsara na hindi kilala ang tutong
At ang kanin ay simputi ng gatas na nasa kahon
At kahit na hindi pasko sa lamesa ay may hamon
Ang sarap sigurong manirahan sa bahay na ganyan
Sabi pa nila ay dito mo rin matatagpuan
Ang tao na nagmamay-ari ng isang upuan
Na pag may pagkakatao'y pinag-aagawan
Kaya naman hindi niya pinakakawalan
Kung makikita ko lamang siya ay aking sisigawan

Chorus:

Kayo po na naka upo,
Subukan nyo namang tumayo,
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko

Verse 2:
Mawalang galang na po
Sa taong naka upo,
Alam niyo bang pantakal ng bigas namin ay di puno
Ang ding-ding ng bahay namin ay pinagtagpi-tagping yero
Sa gabi ay sobrang init na tumutunaw ng yelo
Na di kayang bilhin upang ilagay sa inumin
Pinakulong tubig sa lumang takuring uling-uling
Gamit lang panggatong na inanod lamang sa istero
Na nagsisilbing kusina sa umaga'y aming banyo
Ang aking inay na may kayamanan isang kaldero
Na nagagamit lang pag ang aking ama ay sumweldo
Pero kulang na kulang parin,
Ulam na tuyo't asin
Ang singkwenta pesos sa maghapo'y pagkakasyahin
Di ko alam kung talagang maraming harang
O mataas lang ang bakod
O nagbubulag-bulagan lamang po kayo
Kahit sa dami ng pera niyo
Walang doktor na makapagpapalinaw ng mata niyo
Kaya...

Wag kang masyadong halata
Bato-bato sa langit
Ang matamaa'y wag magalit
O bato-bato bato sa langit
Ang matamaan ay
Wag masyadong halata (ooh)
Wag kang masyadong halata
Hehey, (Wag kang masyadong halata)
(Wag kang masyadong halata) 

Hari ng Tondo ni Gloc-9 (Learning Package sa Filipino G7, 4th Grading)


Hari Ng Tondo
ni Gloc-9

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng Tondo, hari ng Tondo
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo
Hari ng Tondo, hari ng Tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo

[Voice: "May gatas ka pa sa labi, gusto mo nang mag-hari dito sa Tondo?"]

Minsan sa isang lugar sa Maynila
Maraming nangyayari
Ngunit takot ang dilang
Sabihin ang lahat
Animo'y kagat-kagat
Kahit itago'y 'di mo pwedeng pigilin ang alamat na umusbong
Kahit na madami ang ulupong
At halos hindi iba ang laya sa pagkakulong
Sa kamay ng iilan
Umaabusong kikilan
Ang lahat ng pumalag
Walang tanong
Ay kitilan ng buhay
Hukay, luha'y magpapatunay
Na kahit hindi makulay
Kailangang magbigay-pugay
Sa kung sino mang lamang
Mga bitukang halang
At kung wala kang alam
Ay yumuko ka nalang
Hanggang sa may nagpasya
Na sumalungat sa agos
Wasakin ang mga kadena na siyang gumagapos
Sa kwento na mas astig pa sa bagong-tahi na lonta
Sabay-sabay nating awitin ang tabing na tolda

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng Tondo, hari ng Tondo
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo
Hari ng Tondo, hari ng Tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo

[Voices: "Sino ang may sabi sa inyo na pumasok kayo sa teritoryo ko? Amin ang lupang ito." "Hindi, kay Asiong!"]

Nilusong ang kanal na sa pangalan niya'y tumawag
Alang-alang sa iba, tsaka na muna ang paawat
Sa maling nagagawa na tila nagiging tama
Ang tunay na may kailangan ang siyang pinatatamasa
Lahat sila'y takot, nakakapaso ang 'yong galit
Mga bakal na may nagbabagang tinggang papalit-palit sa hangin na masangsang
Nakakapanghina ang nana at hindi mo matanggal na para bang sima ng panang
Nakakulawit subalit sa kabila ng lahat
Ay ang halimuyak lamang ng nag-iisang bulaklak
Ang siyang tanging naghahatid sa kanya sa katinuan
At hindi ipagpapalit sa kahit na sinuman
Ngunit nang dumating ang araw na gusto na niyang talikuran
Ay huli na ang lahat
At sa kamay ng kaibigan
Ipinasok ang tingga
Tumulo ang dugo sa lonta
Ngayon, alam niyo na ang kwento ni Asiong Salonga

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng Tondo, hari ng Tondo
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo
Hari ng Tondo, hari ng Tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo